(Click, click) Pinatay ko na ang telebisyon. Wala ng matinong makikita. Masarap humiga. Hindi mo mamamalayang makakatulog ka na lang bigla. Isang mahimbing na tulog. Mahimbing na mahimbing…
Nakaidlip pala ako. Sa sobrang pagod, hindi ko namalayang nabuburyo na pala ako. Wala ng laman ang kasintahan kong bote pati ang tiyan ko wala. Nagrereklamo na ang mga bituka ko tila mga taong nagra-rally para sa sahod at para bumaba sa pwesto ang pangulo. Makakain nga.
Napakatahimik naman ng kantina nila. Nangangalumya ang mga dilaw na ilaw. Malamig ang simoy ng hangin. Nagsisitalsikan ang ambon sa salaming bintana. Ang maririnig mo lang ay ang kaingayan ng katahimikan at ang away ng mga patak ng ulan sa bubungan. Bibili ulit ako ng kasintahan para makahalikan at makakuwentuhan sasabayan ko ng Pork Adobo. (Nguya, nguya) Masarap ang luto. Malambot ang karne. Unti-unti ng napapawi ang reklamo ng sikmura. Tila nakukuha na ang gusto. Maya-maya’y mananahimik na ito. Naaalala ko noon, kuwento ng tatay ko makulit daw ako noong bata pa ako. Kapag hindi ko nakukuha ang gusto ko, nagrereklamo ako. Naaalala ko pa yun at nandidiri ako sa sarili ko. Buti na lang sinanay niya ako sa hirap at lumawak ang kaisipan ko. Sa mumunting tinig ng hirap, natuto akong magpakumbaba.
Ano naman ang pwedeng gawin? Ayun! Diyaryo. Magbabasa na lamang ako. Headlines: Balita mamaya, Ngayon ang broadcast! Akalain mo yun! Mamaya pa lang mangyayari, ibabalita na ngayon. Natural na talaga tayo sa paggawa ng balita. Chismis pa lang, bagong bago ang kanin ihahain. Malikot din kasi ang isipan (at dila) natin. Sana nga lang ginagamit sa magandang paraan. Uy! horrorscope… Ang sabi dito magkakapera daw ako kung magtatrabaho ako. Malamang! Nakakatawa ang mga bagay na ito. Sinasabi nila ang mga bagay na alam na sa simula pa lamang. Ginagawang katawa-tawa at katanga-tanga ang mga tao. Sana walang utu-utong mahulog sa patibong na ito. Palagi sa aking sinasabi na tayo daw ang magdidikta ng kapalaran natin. Tayo. Binigyan tayo ng karapatan upang maabot ang mga pangarap natin ngunit alam naba natin ang mga responsibilidad?
Hawak ang kasintahan kong bote at busog kong kalamnan. Balak ko na namang matulog pero nagigising ako sa ingay ng mga nagsisigawang naglalaro ng online games dun sa computer shop. Kung magmura parang may kaaway at parang walang ibang tao doon. May tama pa rin ata ako. Nakakarinig ako ng mga ayaw kong marinig.
Kahit papaano nalimot ko ang kalungkutan nadarama. Pinasan ako ng silid na ito. Pinakinggan. Pinakain. Pinaidlip. Daig pa ang taong humihinga, may puso at isipan. Daig pa ng mga taong nagbubusina sa labas, daig pa ang mag asawang nag aaway dahil sa babae. daig pa ng mga naghihiyawan sa computer shop, daig pa ang magkasintahang nagtatalik, daig pa ng natutulog, daig pa ng nagdarasal, daig pa ng tahimik na nangangarap at higit sa lahat daig pa ako… wala man siyang buhay, puso’t isipan pero marunong makinig.